TagLISH edition Simula pa lang ‘to: Lakad na kasama si Kristo!
Alam mo ba kung anong ibig sabihin ng salitang “construct”? Ibig sabihin nito ay magtayo o bumuo ng isang bagay mula sa pinaka-pundasyon. Karaniwan mo itong maririnig kapag may tinatayo—tulad ng bahay o building. Hindi lang basta tinitipon ang mga hollow blocks at bakal. Kailangan ng matibay na plano, tamang gamit, at maingat na proseso para tumagal ito. At guess what? Ganyan din ang bagong buhay mo ngayon kay Jesus. Nang tinanggap mo Siya, may bago nang sinimulan si Lord sa’yo—isang magandang gawain na unti-unti Niyang binubuo sa puso mo. Pero gaya ng bahay, hindi natatapos sa simula lang. Kailangan itong patatagin, palakasin, at buuin ng tama—ayon sa disenyo ng Diyos. Ang booklet na ito, ang CONSTRUCT, ay ginawa para samahan ka sa mga unang hakbang mo bilang tagasunod ni Jesus. Hindi ito mahirap intindihin. Hindi mo rin kailangan maging Bible expert. Isang aralin kada hakbang, isang katotohanan bawat pahina.
Kilalanin kung ano ang tunay na nangyari sa iyong kaluluwa noong ikaw ay lumapit kay Jesus—isang himalang maaaring hindi mo pa lubos na nauunawaan. Makita ang kahalagahan ng pagtalikod sa lumang pamumuhay at ang panawagan ng Diyos sa isang pusong handang magbago. Maunawaan kung sino si Jesus—hindi lamang bilang Tagapagligtas, kundi bilang Panginoon ng bawat aspeto ng iyong buhay. Magkaroon ng pagkauhaw sa Salita ng Diyos at matutong magbasa ng Bibliya hindi lang para sa impormasyon kundi para sa relasyon. Matutong makipag-usap sa Diyos sa panalangin—hindi bilang isang ritwal kundi bilang isang totoo at buhay na ugnayan. Maunawaan ang halaga ng simbahan—na hindi lang gusali kundi isang pamilya kung saan ka kabilang. Maibahagi ang mensaheng ito sa iba, sapagkat ang natanggap mong magandang balita ay hindi dapat manatili lamang sa iyo. Ang CONSTRUCT ay hindi lang booklet. Ito ay kasangkapan para itayo ang pundasyon ng bagong buhay mo—kasama ang Diyos. At ang pinaka-magandang balita? Hindi ka nag-iisa. May tagapagturo kang kasama, may community kang sasalo, at higit sa lahat… kasama mo si Jesus sa bawat hakbang.
Of Contents 01 02 03 04 05 06 07 BAGONG SIMULA BAGONG DIREKSYON BAGONG AMO BAGONG PAMANTAYAN BAGONG KAPANGYARIHAN BAGONG KAUGNAYAN BAGONG MISYON KALIGTASAN PAGSISISI PAGKAPANGINOON ANG BIBLIYA PANALANGIN ANG SIMBAHAN EBANGHELISMO
😊 Hi! Una sa lahat—congratulations sa bagong buhay na meron ka ngayon kay Jesus! Hindi aksidente na hawak mo ang booklet na ito. Ang totoo, ito ay simula ng isang magandang journey kasama ang Diyos. Ang CONSTRUCT ay hindi lang basta aralin na kailangang tapusin. Isipin mo ito na parang blueprint ng bahay na itinatayo—unti-unti, layer by layer, pero siguradong matibay. Sa bawat aralin, bubuuin natin ang pundasyon ng iyong pananampalataya. Hindi mo kailangang madaliin, at hindi mo rin kailangang mag-isa. Ilang tips bago magsimula: Relax ka lang. Hindi ito exam. Wala kang kailangang ipasa. Ang mahalaga, bukas ang puso mo. Tanong? Itanong! Walang masyadong mababaw o malalim na tanong. Lahat valid. Maging totoo. Habang sumasagot o nagbabasa, huwag kang matakot maging honest sa sarili mo at sa Diyos. Mag-pray. Simple lang: “Lord, tulungan Mo po akong maintindihan ito.” Sapat na ’yon. 😊 Handa ka na ba? Sige, simulan na natin ang exciting na pagtayong ito. Isa-isang hakbang, kasama si Kristo.
KALIGTASAN Key Verse: “Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago.” — 2 Corinto 5:17 Usapang Totoo: Kapag sinabi mong “new beginning,” ano ang pumapasok sa isip mo? Bagong taon? Bagong trabaho? Bagong relasyon? Pero may mas malalim pa diyan—ang bagong simula na nangyayari sa puso ng isang taong tumanggap kay Jesus. Ngayong sinuko mo ang buhay mo kay Kristo, may bago nang nangyari sa’yo—ikaw ay isa nang bagong nilalang. Pero bago natin lubos na ma-appreciate ang “good news” na ’yan, dapat muna nating intindihin kung bakit natin ito kailangan. BAKIT KAILANGAN NG BAGONG SIMULA? PAGHIHIWALAY(Separation) 📍 Naramdaman mo na bang parang ang layo-layo ng Diyos? Yung tipong parang hanggang kisame lang ang dasal mo?
Fleepit Digital © 2021