READING INTERVENTION Pangalan: _____________________________________ Pangkat: __________________ Panuto: Basahin ang tula at sagutan ang mga inihandang tanong. Binata na si Boy Gina R. Gabriel Naglalaro noon sa putikan Kasama ang mga kaibigan Mga mukha ay puno ng kasiyahan. Di iniisip mga problema Kumain, maglaro at magsaya Paligid ay anong ganda. Kay bilis ng panahon Boy, binata ka na! Handa ka ba? Ngayo’y malaki ka na Karanasan mo’y pinatatag ka Sa pagsubok ng tadhana. Sa mapaghamong mundo Katatagan ang armas mo Upang manatiling nakatayo. Lagi mo lang tatandaan Maging mabuting nilalang Upang buhay maging makabuluhan. _____1. Paano inilarawan sa tula ang kabataan ni Boy? A. Masaya C. Mabilis B. Malungkot D. Nakakatakot _____2. Ano ang nagpatatag kay Boy sa pagsubok ng tadhana? A. Pamilya C. Kaibigan B. Kasiyahan D. Karanasan _____3. Ano ang armas ni Boy sa mapanghamong mundo? A. Katatagan C. Kabaitan B. Katapangan D. Kalayaan _____4. Bakit kailangang maging mabuting nilalang? A. Upang ang buhay ay maayos. C. Upang ang buhay ay masaya. B. Upang ang buhay ay magulo. D. Upang ang buhay ay makabuluhan. _____5. Patungkol saan ang tulang binasa? A. Ang pagbabago sa itinalagang tadhana. B. Ang pagbabago sa pamayanang ginagalawan. C. Ang pagbabago sa buhay ng isang nagbibinata. D. Ang pagbabago sa buhay ng isang nagdadalaga.
READING INTERVENTION Ang Kaugnayan ng Pagpapahalaga at Birtud Ang pagpapahalaga at birtud ang nagbibigay katuturan sa ating tunay na pagkatao, hindi ang anumang nais ng taong makamit sa kanyang sarili. Bagamat magkaiba subalit magkaugnay ang pagpapahalaga at virtue. Dahil ang pagpapahalaga ang nagbibigay ng kabuluhan o kalidad sa buhay ng tao, kaya’t ayon kay Ayn Rand, ang pagpapahalaga ay ang pinagsusumikapan ng tao na makamit. Ito ay layunin o tunguhin na nagdudulot ng kabutihan sa buhay ng tao na ninanais na maisakatuparan. Samakatuwid, ang pagpapahalaga ay tumatayong batayan, layunin at dahilan ng pangangailangang kumilos sa gitna ng mga pagpipilian. Ang pagpapahalaga ay ang kapangyarihan na umuudyok sa tao at ang kailangan ng tao upang mabuhay. Ang birtud ayon pa sa kanya ay ang mabuting kilos na ginagawa ng tao upang isakatuparan ang pinahahalagahan. Ito ang moral na gawi na nagbubunga sa pagkamit at pagpapanatili ng pagpapahalaga. Ito ang pinag-isipang paraan o hakbang upang makamit ang pagpapahalaga. Halimbawa, ang pagpapahalaga ng isang mag-aaral sa paglinang ng kanyang karunungan, ay nagsisikap na makamit ito. Makaranas man siya ng mga pagsubok na maaaring humadlang sa pagkamit niya nito ay magpapakatatag siya at magpupursigi upang malampasan ang balakid na ito. Matututuhan niyang magtimpi sa mga udyok o tukso na magpapalayo sa kanya sa pagkamit ng pagpapahalaga. Magiging maingat din siya sa paghusga ng dapat at hindi dapat gawin upang masiguro niya ang matagumpay na paglinang ng karunungan. Totoo din ito sa iba pang pagpapahalagang nais nating taglayin at isabuhay, kasabay nito ang paglinang ng ating mabuting gawi upang patuloy itong mapahalagahan. Sa ganitong paraan, nagkakaugnay ang pagpapahalaga at birtud. _____1. Ano ang Pagpapahalaga? A. Ang pagpapahalaga ang nagbibigay ng kabuluhan o kalidad sa buhay ng tao. B. Ang pagpapahalaga ay layunin o tunghin na nagdudulot ng kabutihan sa buhay ng tao na ninanais na maisakatuparan. C. Ang pagpapahalaga ang tumatayong batayan, layunin at dahilan ng pangangailangan kumilos sa gitan ng mga pagpipilian. D. Lahat ng nabanggit _____2. Bakit kailangang taglayin ng tao ang Pagpapahalaga? A. Ang pagpapahalaga ang nagbibigay ng kabuluhan o kalidad sa buhay ng tao. B. Ang pagpapahalaga ay layunin o tunghin na nagdudulot ng kabutihan sa buhay ng tao na ninanais na maisakatuparan. C. Ang pagpapahalaga ang tumatayong batayan, layunin at dahilan ng pangangailangan kumilos sa gitan ng mga pagpipilian. D. Lahat ng nabanggit
READING INTERVENTION _____3. Ano ang Birtud? A. Ang birtud ang pinag- isipang paraan o hakbang upang makamit ang pagpapahalaga B. Ang birtud ay ang mabuting kilos na ginagawa ng tao upang isakatuparan ang pinapahalagan C. Ang birtud ay ang moral na gawi na nagbubunga sa pagkamit at pagpapanatili ng pagpapahalaga D. Lahat ng nabanggit _____4. Paano nalilinang ang birtud sa tao? A. Nalilinang ito sa tao sa pamamagitan ng pagsisikap na mapanaliti ang pagpapahalaga B. Nalilinang ito sa tao sa pamamagitan ng pagtugon sa udyok ng tukso C. Nalilinang ito sa tao sa pamamagitan ng pagsuko sa mga pagsubok na humahadlang na makamit ito D. Lahat ng nabanggit _____5. Bakit kailangang mabibigyan ng pagpapahalaga ang iyong pag- aaral? A. Upang maibigay ang kagustuhan ng magulang B. Upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan C. Upang magkaroon ng maipagmamayabang sa kamag-anak. D. Lahat ng nabanggit
READING INTERVENTION Ang Panahon ng Pandemyang Coronavirus (COVID-19) Gina R. Gabriel Nakakabigla…ni sa panaginip hindi natin akalaing mangyayari ito. Sa isang iglap na bago ang lahat. Napakamakapangyarihan ang kalaban na hindi nakikita. Isinakatuparan ang lockdown, dahil ito ang magsisilbing paraan upang mapigilan ang pagkalat ng virus. Ipinahinto ang operasyon ng mga sinehan, mall, tindahan, palengke, misa, paaralan, mga malalaking pagtitipon. Sa madaling salita, tumigil ang mundo. Nakalulungkot dahil marami ang nawalan ng trabaho. Paano na nila susuportahan ang kanilang pamilya? Paano na kung walang pambili ng sapat na pagkain, mga suplay at mga gamot? Sa papaanong paraan haharapin ang pandemyang ito? May dalawang pamilyang magkaiba ang estado ng buhay. Ang magkapitbahay na pamilya Gonzaga at ang pamilya Culang. Ang pamilya Gonzaga na kung saan ang padre de pamilya na si James at ang kanyang asawang si Girly ay parehong mataas ang posisyon sa gobyerno. Mayroon silang dalawang anak. Ang sahod nilang mag-asawa at mga benepisyo ay diretso nilang natatanggap. Ang pambili ng pangangailangan ng kanilang pamilya tulad ng mga pagkain at mga suplay tulad ng sabon, alcohol, bitamina at facemask ay sobrasobra pa. Hindi nila nararamdaman ang pandemya dahil nga sapat ang perang kinikita ng mag-asawa para sa kanilang pamilya. Samantala atin namang kilalanin ang pamilya Culang. Ang padre de pamilya na si Bert ay isang tricycle driver at ang kanyang asawa na si Nelia ay isang serbidora sa isang turo-turo. Mayroon silang apat na anak. Dahil sa pandemya, naapektuhan ang kanilang trabaho. Walang namamasadang tricycle at magbubukas na restaurant sa panahon ng ECQ. Sa panahon naman ng GCQ, mahigpit na pinagbabawal ang pamamasada na marami ang sakay. Dapat ay isa lamang sa bawat rota dahil sa tinatawag na social distancing. Idagdag pa rito ang limitadong paglabas ng tao sa bawat tahanan. At dahil kakaunti na lang ang mga taong kumakain sa pinagtatrabahuang turo-turo ni Aling Nelia, nagpasya ang may-ari na magsara ng kaniyang negosyo. Kaya’t namomoroblema ang pamilya Culang kung saan nila kukunin ang pang-araw-araw nilang kakainin. Madalas silang malipasan ng gutom at patuloy na lang na umaasa sa ayuda ng gobyerno. Ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa at patuloy ang pananampalataya sa Diyos. Hindi ito kaila sa pamilya Gonzaga kayat napagpasyahan ng pamilya na magbigay ng tulong upang maibsan ang kagipitang nararanasan ng pamilya Culang. Nagbigay sila ng isang sako ng bigas sa kanila. May grocery pa tulad ng mga delata, noodles, patis, suka, toyo, asin, asukal, kape, alcohol, sabon at iba pa. Namasukang labandera sa kanila si Nelia at ang pasahod nila rito ay sobra-sobra pa. Tuwang-tuwa ang pamilya Culang. Ngayon ay nakakaraos na sila dahil sa taglay na ginintuang puso ng pamilya Gonzaga. _____1. Saan patungkol ang sanaysay na iyong binasa? A. Ang sikreto ng masayang pamilya B. Ang paraan ng pagiging maunlad sa buhay C. Ang pagsubok sa buhay na dulot ng COVID-19 D. Ang pagkapit sa Diyos sa panahon ng pagsubok
READING INTERVENTION _____2. Sino ang lubos na naaapektuhan sa kasalukuyang pandemya? A. Ang pamilyang madasalin C. Ang pamilyang angat sa buhay B. Ang pamilyang matulungin D. Ang pamilyang hirap sa buhay _____3. Sino ang higit na kailangang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan sa ganitong sitwasyon? A. Ang pamilyang naghihikahos B. Ang pamilyang mapagsamantala C. Ang pamilyang mapagmayabang D. Ang pamilyang may sapat na pamumuhay _____4. Bakit bukal sa loob ang pagtulong ng pamilya Gonzaga? A. Upang sila ay makilala bilang matulungin na pamilya. B. Upang hamunin ang mga mayayaman nilang kapitbahay. C. Dahil gusto nilang maipabalita na sila ay nagbibigay. D. Dahil sila ay may mabuting loob. _____5. Naging magkaugnay ba ang naging pag-iisip at kilos ng pamilya Gonzaga? Bakit? Oo, dahil sa kanilang awa, kusangloob silang tumulong. Oo, dahil sa ang kanilang motibo ay magiging sikat sila sa kanilang mga kapitbahay. Hindi, dahil napipilitan lang silang gawin ang pagtulong. Hindi, dahil ang pagbibigay ng tulong sa panahon ng pandemya ay isa sa programa ng kanilang organisasyon kaya nararapat na gawin ito. A. B. C. D.
READING INTERVENTION Si Langgam at si Tipaklong Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong. “Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong, “kay bigat ng iyong dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?” “ Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni Langgam. “Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.” “Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya ng sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain kapag sumama ang panahon.” Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. _____1. Ano ang ginagawa ni Langgam? A. Naghahanap at nag-iipon ng pagkain B. Naghihirap sa pagbuhat ng pagkain C. Nagsasaya at kumakanta D. Lahat ng nabanggit _____2. Ano ang ginagawa ni Tipaklong? A. Naghahanap at nag-iipon ng pagkain B. Naghihirap sa pagbuhat ng pagkain C. Nagsasaya at kumakanta D. Lahat ng nabanggit _____3. Ano ang katangian ni Langgam na maaaring bunga ng kanyang pagpapahalaga? A. Masipag B. Tamad C. Matapat D. Tamad _____4. Ano ang katangian ni Tipaklong na nagpapakita kung ano ang kanyang pagpapahalaga? A. Masipag B. Tamad C. Matapat D. Tamad _____5. Kung ikaw si Tipaklong, ano ang gagawin mo? A. Itutuloy ang pagsasaya at paglalaro B. Tutulungan si Langgam sa pag-iipon nito ng pagkain C. Papanoorin si Langgam habang nag-iipon ng pagkain D. Sasama kay Langgam upang mag-ipon din ng pagkain
READING INTERVENTION Ang Alibughang Anak Isang Parabula Mayroong isang matanda na may dalawang anak. Maykaya sa buhay ang matanda kaya naman naibigay din nito ang magandang buhay para sa dalawang anak. Gayunman, isang araw ay napagpasiyahan ng bunsong anak na kunin na ang kaniyang mamanahin sa ama. Ipinagkaloob naman ito ng ama sa kaniyang bunso. Matapos na matanggap ang pera at ari-arian ay umalis ito sa puder ng ama. Walang ginawa ang bunsong anak kung hindi ang magpasarap sa buhay. Ginastos nito ang perang ipinama sa paraang nais niya. Madalas siyang pumunta sa mga kasiyahan. Sinubukan din nitong magsugal. Dahil sa kapabayaan, naubos agad ng bunso ang kaniyang mana. Nabaon ito sa utang at hindi na nakabangon pa. Nagdesisyon ito na bumalik sa kaniyang ama. Nag-aalinlangan man ay wala na siyang ibang matatakbuhan. Mabuti ang puso ng kanilang ama kaya naman tinanggap niya nang buong puso ang bunso. Pinakain at binihisang muli. Nagtataka naman ang panganay dahil matapos umalis ng bunsong kapatid at waldasin ang pera ay nagawa pa rin itong tanggapin ng ama. Kinausap niya ang ama dahil dito. Sinabi naman ng ama na ang kaniyang pagtanggap sa anak ay ang tunay na diwa ng pamilya. Lahat naman daw tayo ay nagkakamali at nangangailangan ng pagpapatawad. Ang mahalaga raw ay natututuhan natin ang ating leksiyon. _____1. Ilan ang anak ng ama sa parabula? A. Isa B. Dalawa C. Tatlo D. Apat _____2. Sino ang naglagalag sa mga anak? A. Panganay B. Pangalawa C. Pangatlo D. Bunso _____3. Anong uri ng ama ang ama sa parabula? A. Mapagbigay B. Magpagpatawad C. Masungit D. Maramot _____4. Ano ang ginawa ng ama sa pagbabalik ng busong anak? A. Iniyakan niya ito. B. Pinagalitan niya ito at ipinagtabuyan. C. Binigyan niya ito ng mas marami pang pera. D. Tinanggap niya ito at pinakain at binihisang muli.
READING INTERVENTION _____5. Ano ang aral na mapupulot sa parabula? A. Irespeto natin ang ating mga magulang B. Gastusin ang lahat ng pera at huwag mag- ipon. C. Ipunin ang lahat ng pera at huwag itong lustayin. D. Humingi tayo ng pagapatawad sa ating pagkakasala.
READING INTERVENTION I. ANSWER KEY 1. A 2. D 3. A 4. D 5. C II. ANSWER KEY 1. D 2. A 3. D 4. A 5. B III. ANSWER KEY 1. C 2. D 3. D 4. D 5. A IV. ANSWER KEY 1. A 2. C 3. A 4. B 5. D V. ANSWER KEY 1. B 2. D 3. B 4. D 5. D
Fleepit Digital © 2021